AdvocatesTV • June 10, 2020

Batikang aktres na si Anita Linda, pumanaw na

Photo Credit: Adolfo Borinaga Alix, Jr. Instagram Account
MAYNILA – Pumanaw na ang batikang aktres na si Anita Linda sa edad na 95. 

Ayon sa direktor na si Adolfo Alix Jr., sumakabilang-buhay ang aktres nitong umaga ng Miyerkules.

“This is a very sad day for me. I am trembling as I am gathering my thoughts... The great Anita Linda has passed away this morning at 6:15AM. Prayers for her soul. My condolences to her family and her children, Francesca Legaspi and Fred Osburn,” ani Alix.

Noong nakaraang taon, kasabay ng pagdiwang ng ika-100 taon ng pelikulang Pilipino, binigyang pugay ng Film Development Council of the Philippines si Anita sa kanyang mga ambag sa industriya ng pelikulang Pilipino sa loob ng halos 75 taon.

Nagsimula si Anita Linda bilang kapareha ng mga sikat na aktor noon, tulad nina Jaime dela Rosa at Carlos Padilla, Sr. 

Nitong nagdaang mga panahon, kinilala si Linda sa madalas na pagganap ng mga papel bilang ina o lola.

Dalawa sa mga kilalang pelikula ni Anita Linda ay ang “Lola” na dinirehe ni Brillante Mendoza at ang “Adela” na dinirehe ni Alix Jr.

Sa nakaraang panayam kay Linda, sinabi niyang ang pag-arte sa pelikula man o telebisyon ang nais niyang gawin at inspirasyon niya ang mga manonood na kanyang napapasaya.

Noong nakaraang taon, ginawa ni Linda ang pelikulang “Circa” na naging bahagi ng Pista ng Pelikulang Pilipino.