‘Di ako makukulong sa pagkasakang ko’ : Kathryn Bernardo, nagreact sa mga bashers
Photo Credit: Kathryn Bernardo Instagram Account
MANILA – Buo ang loob ng aktres na si Kathryn Bernardo nang magbigay ng reaksiyon sa ilang puna ng mga bashers.
Sa kanyang pinakabagong vlog, hinarap ni Kathryn ang madalas na puna tungkol sa kanyang pagiging sakang, o hindi pagkakaroon ng tuwid na mga hita at binti.
“Boom! Ito ‘yung hinihintay ko!” bungad ni Kathryn nang basahin ang pintas na “ang pangit ni Kathryn Bernardo, sakang na ang pangit pa.”
Pag-amin ni Kathryn, kung noon ay isa sa mga insecurity niya ang pagiging sakang, sinabi niyang paglipas ng mga taon ay natutunan niya itong tanggapin.
“So lahat kayo sinasabi about my legs na hindi diretso ang legs ko, sakang ako. Bakit ko inalis ang comment section ko sa Instagram? Kasi feeling ko grabe ‘yung negative energy. Ang daming time talaga ng bashers. But, ngayon talaga hindi na ako na ba-bother. Alam niyo over the years natutunan kong tanggapin ‘yung legs ko. Yes it’s not straight. Parang parenthesis ‘yun sinasabi nila but wala eh parte siya ng pagkatao ko,” ani Kathryn na ibinahaging ang kanyang nobyo na si Daniel Padilla ang nagpamulat sa kanya na hindi siya dapat magkaroon ng insecurity.
“Before sobrang insecurity ko ito. Pero alam niyo sino ang nagpa-realize na huwag magkaroon ng insecurity? Si DJ. So, through DJ na-overcome ko ‘yung insecurity ko about my legs. Ngayon as in kahit anong tayo ko. Kasi na-realize ko lahat tayo mayroong imperfections. Siguro nagkataon sa akin ibinigay ni God ‘yung legs ko. So ano ang gagawin ko eh ‘di nagwo-workout ako para ma-exercise siya and tatanggapin ko siya. Hello hindi naman ako makukulong sa pagkasakang ko. So, I love my legs and si DJ love din ang legs ko. So I’m sorry,” ani Kathryn.
Ilan pa sa matapang na sinagot ni Kathryn na mga puna ay ang sinasabing pagiging “pabebe” niya, pagiging pangit at ang pagkakaroon ng nakakainis na boses.
Sa ngayon, isa si Kathryn sa pinakamalaking bituin ng kanyang henerasyon.