AdvocatesTV • May 4, 2020

Smokey Mountain, nag-reunion pagkaraan ng higit dalawang dekada

Photo Credit: Geneva Cruz Instagram Account
Pagkaraan ng higit 25 taon, muling nagsama-sama ang mga miyembro ng “Smokey Mountain”, ang grupong mangaawit na binuo ng National Artist na si Ryan Cayabyab.

Nitong Linggo, mula sa kani-kanilang tahanan, nagsama-sama at muling umawit ang grupo para sa “Bayanihan, Musikahan,” isang fundraiser para makatulong sa mga apektado ng krisis dala ng coronavirus (COVID-19).

Ayon kay Cayabyab, na nagdiriwang ng kanyang ika-66 kaarawan ngayong Lunes, Mayo 4, malapit sa puso niya ang mga miyembro ng “Smokey Mountain.”

At sa muli nilang pagsasama, isang medley ang ginawa ng “Smokey Mountain” kung saan inawit nila ang ilan sa pinasikat nilang kanta tulad ng “Better World,” “The Coconut Song” at “Paraiso.” 

Kabilang sa reunion sina Geneva Cruz, Anna Fegi, Shar Santos, Chedi Vergara, Tony Lambino, Jeffrey Hidalgo, James Coronel at Jayson Angangan. 

Sa Instagram, ibinahagi ni Geneva ang kasiyahan sa muling pagsasa-sama ng “Smokey Mountain” kahit pa sa online lang.

Samantala, maliban sa virtual reunion ng “Smokey Mountain”, isang bagong awit din ang inilabas ni Cayabyab sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa, na pinamagatang “Kapit Lahat” at binigyang buhay ng Ryan Cayabyab Singers.