AdvocatesTV • May 20, 2020

Vlogger at character actor Emman Nimedez, lumalaban sa leukemia

Photo Credit: Emman Nimedez Youtube Video
MANILA – Nakikipaglaban ngayon sa sakit na leukemia ang vlogger na si Emman Nimedez.

Nakilala si Emman sa bansag na “Pambansang Oppa” dahil sa kanyang parody videos o nakakatuwang panggagaya sa Korean dramang “Goblin” noong 2017.

Sa ngayon ay umaabot na sa higit isang milyon ang mga tagasunod ni Emman, dahilan para gawaran siya ng YouTube Gold Play Button. 

Maliban sa pagiging vlogger, pinasok din ni Emman ang pag-arte. Naging parte siya ng mga pelikula tulad ng “Loving in Tandem.”

At sa kanyang vlog na may pamagat na “Kailangan Niyo Na Rin Malaman,” ibinahagi ni Emman ang malungkot na balitang mayroon siyang sakit na acute myeloid leukemia.
 
Kuwento ni Emman, naisip niyang ang nakamamatay na coronavirus o COVID-19 ang maaring dahilan ng pagkakaroon niya ng lagnat.

“Ngayong taon dumating na rin ang pinakamatinding laban na kakakaharapin ko. Siguro hindi lahat sa inyo alam ito, pero kasabay ng paghataw ko rito sa internet ay yung madalas na pagka-admit ko sa ospital dahil sa iba’t ibang bagay naman. Pero itong huli yung nakita niyo sa Twitter na nai-post ko nang walang caption dahil yon sa lagnat na sobrang tumagal sa akin. Siyempre noon akala namin ay COVID siya pero hindi, iba yung pinanggagalingan ng lagnat,” kuwento ni Emman sa kanyang mga tagasunod.

"So yun hinanap nila at na-track nga nila na nasa bone marrow siya. So, noong kinuhanan ng samples 'yung bone marrow ko, ‘yun lumabas kahapon sa results na mayroon akong acute myeloid leukemia. Mayroon akong cancer," pag-amin ni Nimedez. 

“At sinasabi ko sa inyo ngayon lahat ginagawa ko para manatiling matibay, maging handa at higit sa lahat maging malakas kasi kailangan. At saka kasama ko ang lahat ng mga tao na nasa paligid ko na ganun din sila.

“Siyempre kayo kasama ko kayo. Kung mayroon man akong trip, gusto ko kumpleto tayong lahat eh ito ‘yon. Hayaan niyo lang ako na isama kayo sa laban na ito para maipakita na rin sa inyo na lahat ng ibabato sa ating hamon, lahat nang ibabato sa ating pagsubok, ay kakayanin basta diretso lang ang tingin natin sa buhay at saka positibo tayo,” dagdag ni Emman. 

Sa kanyang vlog, iginiit ni Nimedez ang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng kanyang mga subscriber.
Share by: