AdvocatesTV • June 14, 2020

“It’s Showtime”, balik-telebisyon na

Photo Credit :It's Showtime Instagram Account
Nagbalik na ang “It’s Showtime” nitong Sabado, Hunyo 13, sa telebisyon matapos ang halos isang buwan. 

Naging hudyat ito ng pagsisimula ng Kapamilya Channel kung saan ipapalabas ang mga programa ng ABS-CBN.

Sa ngayon, ang “It’s Showtime” ay mapapanood sa pamamagitan ng Kapamilya Channel sa SKY, Cablelink, G Sat at karamihan sa miyembro ng Philippine Cable Television Association (PCTA) sa buong bansa.

Hindi napigil ni Vice Ganda ang maging emosyonal: "We are back. Miss na miss namin kayong lahat. Alam namin hinihintay n’yo kami. Ito na, magkakasama na tayo ulit. Sana magdire-diretso na.”

Nagbukas ang programa sa pag-awit nina Jhong Hilario at Vhong Navarro na sinundan naman ng dance number ni Ion Perez at Jackque Gonzaga ng sikat na awitin ni Kim Chiu na “Bawal Lumabas.”

Inawit naman ni Vice Ganda ang “Sa Ngalan ng Pag-Ibig” na pinasikat ng December Avenue.

Sunod ding nag-perform sina Karylle, Jugs Jugueta at Teddy Corpuz.

Virtual ang naging parte ng iba pang hosts na sina Amy Perez at Ryan Bang.

Maliban sa mga bagong segment, tulad ng “Pamilyanaryo” at “1Ted Now Hiring” ay muli ring nagbalik ang “Tawag ng Tanghalan” kung saan naging hurado sina Karylle, K Brosas at Randy Santiago.

Huling nagsama-sama ng live ang mga host ng “It’s Showtime” noong Marso, bago ipatupad ang enhanced community quarantine dahil sa coronavirus (COVID-19).

Tuluyang nawala sa ere ang programa nang ipag-utos ng National Telecommunications Commission ang paghinto ng operasyon ng ABS-CBN noong Mayo 5. 
Share by: