Nanawagan si Sen. Bong Go na patuloy sundin ang mga quarantine protocol
Sinangayunan ni Senador Christopher Lawrence "Bong" Go ang panawagan ng ilang mambabatas na palawigin pa ang Enhanced Community Quarantine, o ECQ, sa National Capital Region (NCR) dahil patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga COVID-19 positive patients dito.
"Bilang senador ay sangayon akong i-extend ang ECQ sa NCR dahil dito ang tumataaas na cases, marami po, at kailangan na ma-contain ito baka hindi po kayanin ng ating health care system ang patuloy na pag taas," ayon kay Go.
"Tuloy pa po ang mass testing sa iba't ibang siyudad at dapat muna nating malaman kung mag-fa-flat yung curve. Sa ibang mga probinsya naman, kung sakali mang bubuksan dahan-dahan ay magiging modified quarantine ito. Para po tignan natin kung sino yung pwedeng lumabas at ano lang po ang importante. Ang mahalaga rito ay may pagkain ang tiyan ng bawat mamamayan dahil ‘yun po ang dahilan kung bakit sila lumalabas," dagdag pa ng Senador.
Ayon kay Go, dapat umanong mas higpitan pa ng pamahalaan ang natitirang sampung araw ng ECQ para ma-i-pagpatuloy ang pagbawas ng mga nag-po-positibo sa coronavirus disease.
Nanawagan din siya sa mga ahensya ng gobyerno na ipagpatuloy ang pamamahagi ng pagkain sa mga komunidad dahil ito ang dahilan ng patuloy na pag labas sa bahay ng mga mamamayan.
"Yung food pack distribution ay dapat sapat at tuloy-tuloy. Kaya lumalabas ang ating mga kababayan ay kailangan nilang makabili ng pagkain, dahil hindi naman lahat ay nakakapag-stock ng makakain." Ika niya.
Sinabi rin ni Go: “Dapat masanay na tayo sa pagsuot ng mask at pairalin din ang 'Social Distancing' para tuluyang bumaba ang bilang ng mga nagkakasakit.
"Kami po ay nakikiusap sa inyong lahat na mag-bayanihan po tayo. Kapakanan po ng bawa't mamamayan ang nasa isipan namin sa magiging desisyon ng pamahalaan sa mga darating na araw," aniya.